(larawan mula sa http://apictureofit.com/2012/02/cemeteries-in-guatemala/)
Umugong ang buntong-hininga ng mabigat na
kampana. Sinunod ng mga kamay ni Ma’am Eva ang utos nito at nagkasalubong ang
kanyang mga kamay sa pagitan ng mga pahina ng nakabuklat na logbook. Sa lakas
nito marahil ay nakakaabot pa ito sa pinakamalalim na nitso (at nagpasalamat si
Ma’am na masyadong masarap ang tulog ang mga bangkay.)
Narinig niya ang inaasahan niyang garalgal ng
mga speakers na nakikilala niyang tinig ni Father. Tinawid ng boses na ito ang
malawak na hardin – ang mga mumunting petal ng santol, ang mapuputlang mga dahon,
at ang dakilang punong mangga sa gitna ng hardin – hanggang makaabot sa mga matataas
na bakod ng pantiyon – tila isang hamak
na bulong na lamang. Hindi gaano maintindihan ni Ma’am ang bulong na ito ngunit
alam pa rin niya ang kataimtimang dinedemanda ng mga ito.
Binati ng Anghel ng Panginoon si
Ginoong Santa Maria,
Sa ilalim
ng punong mangga, natanaw ni Ma’am ang isang babaeng nakaupo sa kanang hati ng
Bench na Bato (na sinisimulan na ring tawaging Biyak na Bato) – nakikisilong sa
mahihigpit na mga sinag ng araw, sa kanlungang likha ng matandang punong manga.
Ang mga bunga ni punong ito’y matitingkad na yumayabong sa liwanag ng mataas na
araw – ngunit ang ilan ay nangagtatago sa lilim ng mga maiingat na dahon.
–
Candeys?
Aba Ginoong Maria –
Hindi ba iniwan niya ang mag-ina sa bahay? At
binilin pang ‘wag munang ubusin ang panghaplas?
Tinignan niyang mas mabuti ang mukha ng babae:
nakakunot ang noo at nakatitig sa hawak niyang cell phone. Inangat ng babae ang
kanyang mukha – linilihim ng malaking bakod – ay minansdan niya ang babae.
Narito ang alipin ng panginoon.
Ang kulot na buhok. Ang malapad na noo. Manipis
na mga labi. At malalalim na mga matang tila nag-aapoy sa kainipan.
Kamukhang-kamukha nga. Ngunit kamukhang-kamukha
lang nga siguro.
Pagkalipas ng ilang sandal ay binasag ng dalaga
ang pagkatitig. Marahil tinignan ang isa sa mga tarps na nakapaksil sa mga
gilid ng simbahan. (Ano nga ang tarp na nakapaksil na bakod na ‘to? Mateo,
Kabanata… Labinsiyam ata? Berso apat hanggang anim o pito siguro. O baka
kabanata Labinwalo naman pala. Sa dami ng mga ito hindi niya na rin maalala ang
mga nakalimbag sa mga ito.)
Magkahawig nga sila ni Candeys, ngunit kung
pagmasdan nang mabuti makikita an grin ang malaking agwat sa kanilang mga edad.
Ngunit ang mukhang nasa labas ngayon ay hindi pa naguguhitan ng mga gasgas ng
karanasan.Pero kahawig na kahawig niya nga si Candeys – noong bata pa ito.
at nakipamayan sa atin.
Kakaiba nga lang si Candeys noong panahong iyon
– noong natitiis niya pa ang bigay ng pangalan ng tatay, noong natatalo niya pa
si kuya niya sa court, noong mabilis pa siya tumakbo, at noong pawis lang ang
maalat na lumalagas sa kanyang namumulang mga pisngi – bago pa siya nagging Candy.
Manalangin tayo.
Mabuti na lang at mapagmatyag si
Father.
Panginoon naming Diyos, kasihan mo
nawa
Maaga napuna ang mga sintomas.
ang aming mga kaluluwa
Mabilis nila naisagip mula sa panganib ng
malubhang salot.
ng iyong mahal na grasya
Ngunit siguro nga lamang
na may mga sugat na hindi talaga na nawawala;
at
gumagaling, ngunit pumipilat
din –
yayamang dahilan
sa katawan,
sa pamamalita ng anghel
sa pagkatao
ay nakilala naming
At ang Dakilang
Tagapagpatawad, maawain man ay hindi malilimutin.
ang pagkakatawang tao
Mananalangin na lang si Ma’am na huwag sana
mangyari iyon sa dalagang ito kailanman; kalianma’y huwag siyang ipahintulot sa
tukso –
ni Kristong Anak mo,
nang hindi magalusan ng
mga kuko ng kasawian.
pakundangan sa mahal na pasyon
May papalabas mula sa looban ng pantiyon. ‘Yong
lalaking naka-itim na hoodie kanina lamang. Kung hindi niya pa pinapirma ito sa
logbook at malamang hindi niya pa napansin ang mga kakaibang aninong nagmamapa
sa kanyang mukha.
Ilang hakbang na ang layo niya sa guardhouse. Sa
pagbantay sa lalaki ay hindi niya napansin ang pagtindig ng dalaga. Hindi niya
nakita ang bilis ng pagtakbo nito.
at pagkamatay niya sa Krus,
Narinig niya na
lamang umingit ang lalaki nang yakapin ito nang mahigpit.
Sa sandaling iyon nakita niya muli si Candeys –
sa mga braso ng kanyang manugang.
pakinabangan namin ang biyaya
Maira-radyo niya naman ang mga ibang guwardya.
Hindi niya mahahayaang may mangyari sa isa pang
babae – lalo na itong dalagang nasa harapan niya. Candeys.
ng Kanyang pagkabuhay
Ilang sandal sila nanatili sa piling ng isa’t isa
bago nakapagsalita ang dalaga: “Ano ang nangyari sa’yo?”
Nanlaki ang mga mata ni Ma’am. Ang boses na ‘yon. Nanginginig sa takot. At –
Patlang.
“Nalaman ni Itay,” ang tinig ng lalaking
nanginginig din.
na sa kaluwalhatian ng Langit.
Tumingin si Ma’am sa puno. Sa tarp doon. Mateo
Labinwalo. Berso Labinwalo. Isa pang
tarp. Ng Dalawang Dakilang Utos naman – kahit saan na p’wede niyang
tutukan ang tingin para maiwasan ang eksena ng dalawang binatang humihikbi sa
harapan niya.
Amen
At muling napabuntong-hininga ang mga kampana.