Naaalala ko pa ang kauna-unahang pagkakataong siya’y una
kong napansin. Tiningnan niya ako at nagkunwaring pumapasok sa kanyang kamay
ang lead ng kanyang mechanical pencil. Hindi pa kami
magkakilala, kaya wala akong ibang naisip gawin kundi ang tumawa nang mahina sa
pagbibiro niyang ‘yon. Matapos no’n, napagdesisyunan kong gusto ko siyang
maging kaibigan sa taong ‘yon.
Siya ang kauna-unahan kong kaibigang dayuhan. Manilaw-nilaw
ang balat, singkit ang mga mata, tuwid at itim ang buhok, balingkinitan ang
katawan – isang tipikal at simpleng Koreana si Kim Soo Jung. Tinuruan niya ako
kung paano magbasa ng hangul, ang alpabeto ng Wikang Korean. Mayroon pa nga ako noong hiwalay na Korean notebook kung saan binibigyan ako ng mga tests ni Soo Jung sa pagbasa ng hangul.
Nakatikim din ako ng iba’t ibang pagkaing Korean
na aking kinahiligan tuwing siya’y nagbabaon. Talagang naging malapit
kaming magkaibigan, at masasabi ko pa ngang siya ang best friend ko noong taong iyon.
Sa sumunod na school
year, lumipat siya ng paaralan at kami ay naging out of touch. Sa kabila no’n, nag-iwan siya ng malaking marka sa
aking buhay. Dahil na nga siguro sa naging impluwensiya niya sa akin, nagsimula
akong masabik sa kahit anong may kaugnayan sa Korea. Gabing-gabi na akong
natutulog dahil sa panonood ng mga Korean drama. Naging fan ako ng mga Korean idols tulad
nina Kim Hyun Joong, Jang Geun Suk, Lee Min Ho, Jung Yong Hwa, at marami pang
iba. Naging K-pop fan din ako kaya
talagang hindi ko pinapalampas tuwing may idol
group na pupunta sa Pilipinas para sa isang concert. Nahiligan akong
kumain sa mga Korean restaurants at
nasanay na nga sa mga maaanghang na pagkain. Tuwing nakakakita ako ng Korean kung saanman, napapatitig ako at
namamangha sa kanila.
Ilang araw na lang at matutupad na rin ang pangarap ko. Hindi
ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, sapagkat first time kong maranasan ang ganitong klase ng saya at pagkasabik.
Matapos ang napakaraming taong ibinabad ko ang aking sarili sa anumang Korean, sa wakas ay mapupuntahan ko na
rin ang bansang iyon na aking hinahangaan. Isa nga itong dream come true, at excited na
akong maramdaman ang maging tila Korean sa Korea mismo.
Oo, inaamin ko, isa akong Korean sa puso at diwa, at wala
nang mas makapagpapasaya pa sa akin sa tuluyang pagtira sa Korea, ang bansang ninanais
kong akin sanang sinilangan.
No comments:
Post a Comment