Wednesday, 7 November 2012

Sayaw ng Bayan


Hindi mapagkakailang mahilig ang mga tao sa kahit saanmang sulok ng mundo sa pagsasayaw. Marunong man o hindi, lahat ay nakikisali sa paggiling at pagsayaw kapag ang mga usong tugtugin na ang nakasalang. Sa nakalipas na sampung taon, may mga ilang piling kantang talaga namang naging tanyag sa buong mundo. Nagkalat sa youtube at iba pang online social media ang mga video ng mga kabataan at maging ng mga matatandang nakikisayaw sa mga awiting ito. Heto ang ilan sa kanila:
 
2002: Ketchup Song
Isa sa mga naging pinakasikat na awitin ang "The Ketchup Song" o mas kinikilala bilang "Asereje" ng Las Ketchup, isang grupo mula sa Espanya. Mayroon itong tatlong salin - Espanyol, pinaghalong Ingles at Espanyol, at Portuges. Nanguna ang kanta sa Inglatera at maging sa dalawampu't-anim pang mga bansa. Sa taong 2006, nakabenta na ng higit pa sa 7 milyong kopya ang kanta sa buong mundo, dahil upang ito'y matawag na isa sa mga "best-selling singles of all time."
 
2006: Chicken Noodle Soup
Ang “Chicken Noodle Soup” ay isang kantang hiphop na pinasikat nina DJ Webstar, Young B at The Voice of Harlem. Nagmula ito sa New York at unti-unting nakilala sa buong mundo dahil sa mga linyang "let it rain, now clear it out" at "chicken noodle soup with a soda on the side." Naging hit rin ang kanta sa internet kung saan tuluyan itong lumaganap bilang isang dance craze.
 
2007: Crank That (Soulja Boy)
Ang "Crank That (Soulja Boy)" ay ang debut single ng rapper na si Soulja Boy sa kanyang debut album na souljaboytellem.com. 7 linggo itong namalagi sa unang pwesto sa Billboard Hot 100 ng Estados Unidos noong taong 2007, at kinilalang ika-23 na pinakamatagumpay na kanta ng 2000s noong 2009. Lumabas ang music video nito noong Agosto 9, 2007 kung saan makikita si Soulja Boy kasama nina Bow Wow, Chris Brown, Omarion, at iba pang mga sikat na artista na ginagawa ang "Soulja Boy Dance."
 
2009: Dougie
Marahil walang tao sa mundong ito na hindi nakakaalam ng sayaw na dougie na pinasikat ng Cali Swag District noong taong 2009. Nagsimula ang sayaw na ito sa Dallas, Texas noong taong 1980 dahil sa rapper na si Doug E. Fresh. Noong 2007, muli itong ginamit ni Lil' Wil sa kanyang kantang "My Dougie." Nakamit lamang ng dougie ang pinakarurok ng kasikatan nito noong lumabas ang video ng kantang "Teach Me How to Dougie" ng Cali Swag District.
 
2012: Gangnam Style
Hulyo 15 ng taong 2012 ng sumikat ang Gangnam Style ng mang-aawit mula sa Korea na si Psy. Napakabilis na kumalat ang video ng kantang ito noong Agosto at mula noon ay kabi-kabila na ang mga taong gumagaya nito. Sa ngayon, ito ang video na may pinakamaraming “likes” sa YouTube (1.56 milyon) at nanguna sa mahigit 33 bansa.

-Angela Rayos del Sol

No comments:

Post a Comment