Ang karaniwang buhay ay nagsisimula sa kapanganakan. Ang sanggol ay nagiging bata at ang bata ay nagiging matanda. Dahil mortal lamang ang mga tao, ang matanda, o kaya minsan ang bata, ay namamatay. Sinasabi na ang kamatayan ang huling hantungan; ngunit, ito nga ba? Paano kung ang patay ay naglalakad muli sa mundong ito?
May pagkapilay ang lakad, nakagigimbal na halinghing ang salita, sira-sira ang mga damit kung mayroon man, nabubulok ang laman, at tila naglilihing buntis kung maghanap ng masarap na taong makakain--iyan ang zombie. Ang zombie na ang pinakapopular na halimaw matapos umusbong ang hilig ng mga tao sa mga malibog na bampira at "werewolf" o kalahating tao, kalahating lobo. Hindi tulad ng mga bampira at werewolf, walang kaakit-akit sa mga zombie. Hindi na rin kasi pag-ibig ang habol ng masa kundi kaguluhan at aksyon. Sa kaisipang ito nabuo ang mga palabas tulad ng "The Walking Dead" at "Death Valley" sa Estados Unidos. Ang mga kwento nila ay simple: may mga tao at may mga zombie; kinakalaban ng mga tao ang mga zombie para hindi sila maging zombie. Makikita na pinaglalaruan ng mga palabas ang takot ng tao na mahuli at mamatay. Ito ay pumukaw ng patok na "fun-run" sa Pilipinas, ang "Outbreak Manila". Ang kakaiba sa fun-run na ito ay mayroong humahabol na mga zombie na kumukuha ng buhay. Hindi talaga mamamatay ang mga kalahok subalit mababawasan sila ng puntos.
Kumakailan lang, pumunta ako sa sementeryo para sa Araw ng mga Patay. May nakita akong matanda na parang ka Amerikana at mukha talaga siyang kakalabas lang sa kabaong. Zombie kaya ito? Buti na lang nakita ko na pinuntahan niya ang kanyang pamilya sa isang puntod. O baka naman zombie rin ang pamilyang iyon?
-M. Atienza
No comments:
Post a Comment